Lumaktaw sa nilalaman

Panibagong Mga Kuwento

Enero 28, 2010

Kung gusto nating baguhin ang ating buhay, at ang ating mga sarili, kailangan nating humabi ng bagong mga kuwento at iwanan ang makalumang mga kuwentong nananaig sa atin.

Anong mga kuwento ang dapat na nating palitan at kalimutan? Mga kuwentong paulit-ulit at tila nakaukit na sa ating mga puso, isipan at kaluluwa, parang mahirap talikuran pero sa totoo lang, kayang-kaya, paniwalaan mo lang ang mas mapagpalaya at bagong mga kuwento.

Ang unang gusto kong palitan ay ang mga kuwentong nakapalibot sa premise na tayong mga Pilipino ay MAHIRAP, nakaugat sa “poverty-consciousness”. Nakakatawang isipin na marami pa rin ang naniniwala dito. Sa totoo lang, hindi lang ang mga nasa iskwater ang naniniwala dito, kahit ang mga nasa middle class, at marami pa rin na nasa upper class. Kung naniniwala ang mga elitistang mayaman na sila, e di sana di na sila patuloy na nangangamkam ng yaman ng iba? Halos lahat siguro ng Pinoy nanggagaling sa “lack” mentality na ito. Palaging ang nakikita yung WALA, imbes na matuwa at magpasalamat sa kung anong meron, kung ano ang nariyan. Syempre, matagal rin akong guilty diyan, at sa totoo lang hanggang ngayon struggle pa rin, at patuloy ang proseso ko ng pag-unlearn. Sa kaibuturan kasi ng ating mga gawain, kilos at pakikisalamuha sa kapwa, nariyan ang pakiramdam at kaisipan na nangangailangan, at naghahanap para mapunan ang kakulangan.

Ngunit, ano ang katotohanan? MERON, tayo ay tunay na MAYAMAN. Pero dahil naniniwala tayong wala, at mahirap tayo — e di yun ang nangyayari, yun ang realidad na nalilikha natin –isang bayang SALAT, at mga taong nagdarahop, nakatanghod sa labas at sa iba upang isalba tayo at iahon. Pero, ang kahirapan at kawalan ang tunay na ilusyon. At habang naniniwala tayo sa ilusyong ito, sa kuwentong ito — ang buhay natin ay nananatiling nakakulong sa mga konseptong nagpapatotoo at nagbibigay-buhay sa kuwento ng kahirapan.

Ang ikalawa, at palagay ko’y ang pinakaimportante sa lahat — na tayo ay WALANG KAPANGYARIHAN, o tayo ay TAO LAMANG. Dito nakaugat ang napakaraming kuwento ng biktima at mambibiktima, ng api at nangaapi, ng mapangabuso at kawawa, at kawalan ng lakas ng loob para baguhin ang sariling sitwasyon. Paikot-ikot, at nakakasawa nang kuwento ng kawalang-kuwenta ng tao. Matutuwa tayo kapag nanaig ang kawawa laban sa mapangaping kalaban, at makikita natin na kinalaunan ang kawawa naman ang malulunod sa kanyang sariling kapangyarihan at mang-aapi ng iba. Sapagkat ang kuwento ng power-over ay kuwentong walang katapusan, isang gulong ng palad na pasikot-sikot at walang direksyon.

Tayo ay Tao, nilikha sa imahe ng Diyos, Bathala, Sansinukuban –kaya’t TAYO AY TUNAY NA MAKAPANGYARIHAN. Kapag dito nagmumula ang ating mga kuwento, bumubukas ang ating puso at isipan upang pagbigyan ang sariling lakas at kakayahang likhain ang sarili nating pamumuhay at pagkatao. Hindi tayo nakatali sa opinyon ng ibang tao, institusyon, kahon. Nagkakaroon tayo ng lakas, tapang, paniniwala, at pagtitiwala sa sarili upang muling mangarap, at isakatuparan ang mga pangarap na ito. Ang mga kuwentong ating lilikhain para sa ating mga sarili ay nagsisilbing ilaw at inspirasyon para sa ibang mga tao upang likhain din ang kani-kanilang mga kuwento na batay sa kanilang tunay na lakas at pagkatao.

Ang ikatlong di nakakatulong sa atin at lalo na sa ating mundo ay ang paniniwala sa PAGKAKAHIWA-HIWALAY o Separation. Ito ang impluwensyang nagtutulak sa napakaraming kuwento na nagdudulot ng pagkasira ng ating kalikasan, pagpapatayan, at kawalan ng respeto sa buhay. Bagamat ipinakikita sa mga kuwentong ito ang epekto o consequences ng ating mga ginagawa, ang pangunahing premise ng separation ay hindi naman pinag-uusapan.

Samantalang kung ang pangunahing konsepto ng KAISAHAN ang nagtutulak sa ating mga kuwento, makikita ang kakaibang pamumuhay na ibubunga nito. Isang mundo na walang nananakit at naninira, sa halip ay kumakalinga sa bawat isa, sa lahat ng may buhay, sa lahat ng nakikita at di nakikita. Sapagkat lahat ng ating kilos, iniisip at nadarama ay makakapekto sa lahat ng ating mga kasama, nakikita man o di nakikita. Ang mundo ay kasabay na nililikha ng ating pagkatao, at pakikisalamuha dito.

Marami pang magandang banggitin, subalit kung pagtutuunan lamang kahit ang tatlong ito ay tiyak na panibagong mundo ang ating mararanasan. Sapagkat ano nga ba ang ating buhay kundi mga kuwentong nagaganap hanggang sa marating ang Wakas, upang gumawa ng panibagong yugto, o panibagong aklat.

No comments yet

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: