Lumaktaw sa nilalaman

Ako ay Pilipino, Taas Noo kahit Kanino

Mayo 18, 2011
Kataastaasang Babaylan Reyna Yolanda Liban Manalo

"Apo", embodied in Kataastaasang Babaylan Reyna Yolanda Liban Manalo; photo by Louise Far

Sa pagbabalik ko mula sa mahigit isang linggong kapiling ang Apo doon sa Cagayan Valley, marami akong naunawaan tungkol sa sarili at lalo na tungkol sa buhay. Ang pinakamahalagang baon ko, ang pagmamahal at pagtangkilik sa lupang aking sinilangan.

Kakaiba rin ang bulong ng tadhana nang ako’y tumungo roon. Ang tanging sadya ko ay mabuksan at tuluyang mapakawalan ang aking karma. At pagkat ito lamang ang pakay, ninais kong pumisan doon sa loob lamang ng tatlo o apat na araw. Ngunit, may ibang planong nakalaan para sa akin. Dumating ang aking buwanang dalaw, dahilan upang di mapahintulutang lumapit sa Apo (sapagkat ito ay nakakaapekto sa kanya) at di rin mapabuksan ang aklat ng aking buhay. Sa simula ay yamot na yamot ako, di natuloy ang gusto kong mangyari. Maraming naglaro sa aking isipan, at nagpupumiglas ang damdamin. Maya-maya’y nagkaroon ng liwanag, pinakinggan ang tila mahinang bulong na unti-unting lumakas. Ano nga ba ang sanhi ng pagmamadali ko? Naisaayos ko naman ang mga naiwang gawain, at madali namang iayon ang anumang mga naitakdang plano ayon sa nagbabagong ihip ng hangin. Ilang saglit pa at gumaan ang aking pakiramdam. Tama. Ako ay mananatili sa piling ni Apo hanggang sa lumipas at lumisang muli ang buwanang bisita ko. Angkop rin naman sapagkat ang mga inimbitahan kong estudyante mula sa UP na nais magsaliksik ukol sa Dr. Jose Rizal ay maaari ko na ring hintayin at masamahan.

Ang buong linggong paglagi ko sa Cagayan ay mapayapa, simple, masaya, at nagpatibay sa aking paniniwala sa kahusayan ng lahing Pilipino. Bagamat ilang araw ko lamang nakausap ang Apo, ang mga butil ng kaalaman ay aking napulot mula sa mga bagong kaibigang bahagi ng komunidad ng Celyo Rizal, sa mga kabataan, sa mga hayop at halamang naroon, at higit sa lahat sa mensaheng pinarating ni Amang Araw, Inang Lupa, Amang Hangin at Inang Tubig. At sa loob ng tatlong araw na nakausap ko pa ang Apo, aba, talaga namang siksik, liglig at umaapaw ang kaalaman at karunungang ngayo’y aking tunay na nauunawaan.

Sa mahabang mga usapan at sa libo-libong butil ng kaalaman at karunungan, na tila mga butil ng palay o butil ng buhangin sa dami, isa ang naging napakatingkad para sa akin — ang pagibig sa tinubuang lupa — ang malalim na pagunawa sa aking sarili bilang isang Pilipino, at ang di mapantayang pagmamahal sa ating lahing maharlika.

Nakakatawang, nakakatuwang kausap si Apo, sapagkat ganito ko rin talaga kausap ang sansinukuban (universe), o ganito ko nakikinitang kausapin ang diyos na aking pinaniniwalaan. Yun bang puno ng pagmamahal at pagunawa sa kanyang mga anak, walang galit bagkus nariyan upang magbigay gabay o patnubay, pagpapala, biyaya at pagkalinga. Yun nga lang, di ko naisip o nahinuha na kakausapin niya ako sa sariling wika, haaay ang sarap pala nang pakiramdam na dito napiling pumisan ng diyos, sa piling nating mga Pilipino. Yun nga lang, sa dami ng drama natin sa sarili, sa buhay, sa mga “nang-api” na mga mananakop, at kung anu-ano pa…di natin ito alintana. O siguro mangilan-ngilan sa atin ang nakakaalam at tumatanggap sa katotohanang ito. O, tulad ng sabi ni Apo, hindi pa lang ito ang panahon. Ngunit malapit na malapit na ang nakatakdang muling paglutang ng Pilipinas, at ng Pilipino, mula sa dungis at putik na kinasadlakan nito.

Haay. Syempre, ayan at naiinip na naman ako. Ang hanging elemento ko ay nais lumipad, sumugod, umikot at pumalaot upang marating ang panahong binanggit ni Apo.  Nakakabagot na rin kasing hintaying makilala natin bilang mga Pilipino ang gintong pagkatao natin, ang tunay nating husay at galing. Manaka-naka, may magpapakitang-gilas sa atin, ngunit di magtatagal ay pilit nating ibaba kung sino man iyon, tulad ng patuloy nating pagbaba sa ating mga sarili.

Ako man ganyan sa aking sarili, paminsan-minsan. Iba kasi ang naging pagunawa natin sa saliting pagpapakumbaba e. Nabahiran ng kaisipang nakatali sa salitang “api”. Di natin kailangang ibaba ang sarili, di rin kailangang iangat. Sapat na maunawaan natin na ang lahing Pilipino ay tunay na maharlika, at ang Pilipinas ay lupang hinirang. Kapag naging malalim ang pagtanggap natin sa katotohanang ito, nagiging malinaw ang papel natin sa mundo, ang papel natin sa nakatakdang plano. Wala nang kailangang gawin kundi ang magpakatotoo sa kung sino tayo. Taas Noo. Kahit Kanino. Sapagkat tayo ay Pilipino.

Ang hiwaga ng ating lahi ay unti-unti nating mauunawaan sa paggulong ng mga oras, araw at buwan. Sa katunayan, pagsapit ng 2012, ang nakatakda para sa ating lahi ay mabibigyang katuparan.

Marami pa akong ibabahagi dito upang kahit paano ay maging gabay o kapulutan ng mga nagbabasa ng aral, hugutan ng lakas ng loob, o kuwestiyunin na siyang magsisilbing daan para sa mas malalim na pagkilala sa sarili at lahi. Yan ang mas mainam. Ang simulang tahakin ang landas pabalik sa kung sino at ano tayo bilang mga Pilipino.

Taas Noo. Kahit Kanino. Pagkat tayo ay Pilipino. Ako ay Pilipino.

No comments yet

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: